Sa pamamagitan ng munting espasyong ito sa Internet, ila-LAHAD natin ang mga maliliit o di nakikitang mga bagay at ang malalaki o di-matarok na mga kaisipan sa buhay. Bakit tayo magmumukmok sa isang sulok at hayaan na ang mundo ay lumakad nang hindi natin pinapansin? Hubugin natin ang ating mundo at ating buhay ayon sa galing na ibinigay sa atin ng Panginoon.
(Lahad is the Filipino word for “declare” or “publish”. Through this tiny space in the cyber-world, we hope to share some insights into life and its many dimensions — from the small or invisible to the great or incomprehensible. Why sit down and take things as they are? We can be shapers of our lives and our world through God’s might working in us.)
Listen to this original composition celebrating the joys of living in an earthly Paradise where love reigns. (Click link below)
Ang Ugat ng mga Salita
Ako’y may kaibigang dati’y mahilig magtapos ng pangungusap niya nang mariing sinasabayan ng malakas na paglagapak ng mga palad at ang pagsabi ng ”Pak!” na tila ba may pinapatay na lamok. Ito’y mabisa na pantawag pansin sa ibang hindi nakikinig sa kanya at pangkumbinsi naman sa mga kausap niya.
Sa klase namin sa high school sa Ingles, napag-aralan namin ang “onomatopoeia” o ang paggamit ng mga salitang ang kahulugan ay ang tunog mismo ng salita – hatsing, sutsot, sipol, kalabog. Sa Ilocano, maraming mga salitang may ganitong katangian kaya kung makikinig ka, malalaman mo na halos ang sinasabi kahit di mo batid ang kahulugan. Noong minsa’y paalis ang tatay ko at pinansin ng nanay ko ang halimuyak ng pabangong ibinubudbod sa katawan.
Aniya, “Sumangayusem ka la unay!” Ang ibig sabihin baga’y nakalalasing o nakahihibang sa kabanguhan. At sa pagbigkas ng isang “genuine” Ilocano, higit mo pang masasagap ang buod ng mga salita. At lalo na kung makita mo pa ang mukha sa pagbigkas.
Hindi nga ba’t ang salita ay nagmula sa Kalikasan? Ito ay metapora o simbolo ng bagay o diwa ng tinutukoy nito. Tulad ng “lawiswis” ng mga munting dahon ng kawayan na sumasayaw sa ihip ng hangin (“palaspas” naman sa niyog). Nguni’twala nang hihigit pang magsasalarawan nito nang katulad ng salitang “iyak”. Dito ay maisasaisip mo na ang supling na nagugutom at buong lakas na humihiyaw nang bukang-bibig. At ang bawa’t hikbi’y tinatapos ng pagsara ng ngala-ngala na siyang pinagmulan ng huling katagang “k”. Madalas pa nga’y inuulit ang katagang ito habang humahabol sa paghinga ang sanggol na tila nalalagutan na ng hininga.
Ang mga salita’y larawan ng buhay. Kung mabatid lang natin ang ugat ng mga salita, ating mababatid ang katotohanan na nakatago sa likuran nila at nasa isipan ng Maylikha ng Kalikasan at Sangkatauhan.